Agham

FPRDI PATULOY ANG PAGLIKHA

Posted on July 16th By FPRDI/DOST with abdul malik michael n balaguer


fprdi pa proj

FPRDI nakalikha ng cement-bonded board gamit ang kawayan at mais

Pinag-aaralan ngayon ng Forest Products Research and Development Institute o FPRDI ang isang uri ng cement-bonded board o CBB na maaaring makatulong sa problema ng pabahay sa bansa. Ang naturang CBB ay yari sa kinayas na kawayan at tangkay ng mais at hinaluan ng semento.

Ang CBB ay karaniwang gawa sa agro-forest waste materials tulad ng kinadkad na bunot, ipa, dayami at butil ng mais. Ito’y ginagamit bilang dingding, panloob na partisyon ng bahay, kabinet at kisame.fprdi pa proj3

Kilala sa buong mundo ang CBB dahil bukod sa matibay ito laban sa anay at amag, hindi rin ito madaling masira ng apoy at tubig. Wala din itong kemikal tulad ng formaldehyde na karaniwang ginagamit na pandikit sa plywood kaya’t hindi ito nakasasama sa kalusugan ng tao at sa kapaligiran.

Nakagawa kamakailan ang FPRDI ng CBB mula sa kawayan at tangkay ng mais. Ayon kay Dr. Dwight A. Eusebio, pinuno ng FPRDI Composite Products Section, katanggap-tanggap ang mga katangian ng bago nilang produkto. Pumasa ito sa pagsusuri ng static bending, nail head pull-through, thickness swelling at water absorption properties nito.

Tumutukoy ang static bending sa bigat na kayang dalhin ng CBB nang hindi ito masisira. Samantala, tinitingnan naman sa nail head pull-through test ang tibay ng isang CBB kapag hinugot ang isang pako mula dito. Mahalagang tingnan ang water absorption property kung gagamitin ang CBB na partisyon sa loob at labas ng bahay. Sa thickness swelling test naman makikita kung mamamaga ang mga CBB kapag nababad sa tubig.

Dalawang uri ng kawayan na makikita sa buong Pilipinas ang ginamit nina Eusebio – ang bayog at kauayan tinik. Ang mga tangkay ng mais naman na karaniwang wala nang pakinabang sa mga magsasaka ay hinalo sa kinayas na kawayan.  fprdi pa proj1

FPRDI at PCARRD, magkatuwang sa ikalalago ng industriya ng kawayan

Ang lungsod ng San Fernando, La Union at bayan ng Maasin, Iloilo ay may pagkakataon nang makilala sa industriya ng kawayan sa buong bansa. Patunay dito sina Virgilio Laudencia at German Allesa, mga kalahok sa isang proyekto ng Forest Products Research and Development Institute o FPRDI at ng Philippine Council for Agriculture, Forestry and Natural Resources Research and Development o PCARRD.

Tubong San Fernando, La Union si Laudencia at gumagawa ng mga tiklis para sa mga maggugulay ng Benguet. Si Allesa naman na taga-Maasin, Iloilo ay humahabi ng mga sawali at amakan. Sa amakan pinapatuyo ng mga magsasaka ang kanilang mga palay at iba pang produktong agrikultura. Sa tulong ng proyekto, gumagawa na sila ngayon ng mga de-tiklop na upuan para sa mga beach resorts sa kani-kanilang lugar.

Tinulungan sila ng proyekto na pataasin ang kanilang produksyon at lumikha ng iba pang mga produkto mula sa kawayan at mga retaso nito. Tumanggap din sila ng mga kagamitan tulad ng air compressor, power drill, bamboo splitter, bamboo thicknesser, bamboo sizer at iba’t-ibang imported hole saws na magagamit sa pagpoproseso ng kawayan. Bukod dito, natutunan din nila ang akmang paggamit ng kawayan para sa kanilang mga produkto.

Ayon sa project co-coordinator na si Dr. Ma. Cielito G. Siladan, itinuro ng FPRDI kina Allesa at Laudencia ang tungkol sa iba’t-ibang uri ng mga kawayan, pati na ang pagpapatuyo, pagpapatibay o preservation at finishing ng mga ito. Nadagdagan din ang kanilang kaalaman sa pangangalakal ng bamboo products.

Dala ng kanilang unti-unting pag-asenso, nagsisilbi nang huwaran sina Laudencia at Allesa sa kani-kanilang mga komunidad. Sa Brgy. Bolo, Maasin, 64 na magsasaka, 17 na kawani ng pamahalaang lokal at 8 mananaliksik ang dumalo sa Bamboo S&T-Based Farm Field Day kung saan ipinakita ni Allesa ang kanyang mga produkto. Samantala, sa Brgy. Abut, San Fernando, 55 na magsasaka, 10 kawani ng pamahalaang lokal at 15 na mananaliksik naman ang nakasaksi sa mga produkto ni Laudencia. Nagsisilbing common service area ang mga pagawaan nina Allesa at Laudencia sa kanilang mga komunidad. Dito nila patuloy na ibinabahagi sa kanilang mga kababayan ang kanilang mga kaalaman at mga makabagong kagamitan para patuloy na mapalago ang industriya ng kawayan sa kani-kanilang lugar.

Water hyacinth – dati’y itinuturing na salot na halaman, ngayo’y  isa na sa mga paboritong materyales ng handicraft industry sa mga bayang nakapaligid sa Laguna de Bay.

Ito ay dahil sa iba’t ibang grupong nagtulung-tulong na bumuo ng mga programang pangkabuhayan gamit ang tangkay ng water hyacinth.

Natatakpan ng water hyacinth (o mas kilala sa tawag na “water lily”) ang malaking bahagi ng Laguna de Bay. Napakakapal ng ugat nito kaya’t ito’y nagiging sanhi ng matitinding pagbaha, bumabara sa daraanan ng mga mangingisda at pumapatay sa mga isda. Matagal  itong naging sakit ng ulo ng mga taong nakatira sa  tabi ng lawa.

Ngayon, ginagamit na ang pinitpit at pinatuyong tangkay ng  halamang ito sa paggawa ng magagandang bag, tsinelas, sumbrero, tray, lamp shade at lagayan ng bote ng alak.

Isa ang Forest Products Research and Development Institute (FPRDI) ng Department of Science and Technology (DOST) sa mga ahensyang tumutulong sa industriya ng water hyacinth.fprdi pa proj2

Ayon kay Dr. Emelyne C. Cortiguerra, pinuno ng training unit ng FPRDI, sari-saring  grupo ng handicraft makers ang nagpapaturo sa FPRDI ng tamang pagpapatuyo at paglalagay ng pestisidyo sa tangkay ng water hyacinth. Masyadong makatas ang tangkay kaya’t madali itong atakihin ng amag.  Kapag inamag na, nangingitim at wala ng silbi ang mga produkto.

Karamihan sa mga dumadalo ng mga seminar ng FPRDI ay mga may-bahay at mga out-of-school youth. Dahil sa mga seminar na ito, maraming negosyante ang nakasisigurong matitibay ang kanilang mga produkto.

Natuturuan din sila paano lagyan ng iba’t ibang kulay ang kanilang raw material upang mas gumanda pa ang finished products. Hindi lamang dito sa Pilipinas ibinebenta ang mga naturang produkto. Iniluluwas na rin ang mga ito at unti-unti nang nakikilala sa ibang mga bansa, lalo na sa Europa.

———————————————————————————-Negosyante, naka-jackpot sa FPRDI lumber dryer

———————————————————————————-Isang teknolohiya ng Forest Products Research and Development Institute (FPRDI) ang nakapagpabago sa buhay ng isang negosyante sa Tacurong City, Sultan Kudarat. Ayon kay Ramon B. Tan, para siyang nanalo sa lotto nang magkaroon siya ng isang furnace-type lumber dryer o FTLD sa kanyang maliit na sawmill.

Dati-rati, sa ilalim lamang ng araw pinapatuyo ni Tan ang mga kahoy ng gmelina at mahogany na kanyang pinoproseso. Nang makapagpatayo siya ng FTLD noong 2005, umiksi ang pagtutuyo ng tinistis na kahoy mula 35 hanggang 7 araw bawa’t bunton; lumago ang kanyang produksyon kada taon mula 36,000 hanggang 300,000 board feet; tumaas ang empleo mula 144 hanggang 988 man-months; at lumobo ang kanyang neto mula P600,000 hanggang 6 na milyong piso bawa’t taon.

Dala ng kanyang tagumpay, nakabili si Tan ng finger-jointing at wood molding machines sa kanyang planta. Tuloy, napakinabangan niya ang mga retasong kahoy na kalimitang tinatapon na lamang nila. Gamit ang tinistis na kahoy na pinatuyo sa FTLD, gumawa siya ng mga wood molding na pumatok nang husto sa mga mamimili, lalo na sa North at South Cotabato.

Sa  ngayon, tatlo na ang malalaking lumber dryer sa planta ni Tan. Sa laki ng kanyang negosyo maraming mga nagtatanim ng puno sa Mindanao ang nabibigyan niya ng hanapbuhay. Lubos-lubos ang pasasalamat ni Tan sa Department of Science and Technology o DOST at FPRDI.  DOST ang tumulong sa kanya upang maka-atikha ng una niyang lumber dryer. Dahil naman sa FPRDI, napakarami niyang natutunan ukol sa pagpoproseso ng kahoy. Napaganda ang kalidad ng kanyang mga produkto at tumaas ang kanyang produksyon.

Iba’t  ibang tulong teknikal ang ibinibigay ng FPRDI sa mga industriyang gumagamit ng kahoy. Kung meron kayong mga katanungan,  tumawag lamang sa (049) 536-2377, 2586 o mag-email sa fprdi@dost.gov.ph.  Ang FPRDI ay matatagpuan sa Narra Road, UPLB Forestry Campus, College, Laguna.

—————————————————————————————-

May pera sa ilang-ilang

—————————————————————————————-

Matamis ang simoy ng hangin sa bayan ng Anao sa Tarlac. Nakatanim kasi rito ang higit pa sa sampung libong puno ng ilang-ilang na pinagkakakitaan ng halos lahat ng nakatira roon.

Ayon kay Pedrito Q. Lontok, isang mananaliksik sa Forest Products Research and Development Institute (FPRDI), malaki ang iniunlad ng buhay ng mga taga-Anao dahil sa kanilang Ilang-ilang Livelihood Program. At ang maganda nito, ang tagumpay ng Anao ay puwede ring maranasan sa ibang sulok ng  Pilipinas.

Taong 1989 nang itatag ng lokal na pamahalaan ang isang ilang-ilang essential oil business sa pinakamaliit na bayan ng Tarlac. Upang masimulan ang proyekto, nagbigay ang munisipyo ng  lupaing tatamnan ng mga puno at humingi ng tulong teknikal at pinansiyal sa iba’t ibang organisasyon.

Halos buong bayan ng Anao ay nakibahagi sa pagtatanim at pangangalaga ng mga puno. Kasama rin sila, pati ang maraming batang mag-aaral, sa pagpitas ng mga bulaklak.

Ang mga bulaklak ay binibili ng munisipyo na siyang nagpapatakbo ng essential oil extraction and distillation technology o EOEDT, isang makinang ginawa ng FPRDI. Kinakatas ng EOEDT ang langis ng mga bulaklak at pinoproseso ito hanggang maging puro.

Malaking bahagi ng langis ng ilang- ilang ay ibinebenta sa isang pagawaan ng mababangong kandila sa Bulacan.  Ang iba naman ay ginagamit na sangkap sa mga sabong panligo at panlaba na ginagawa sa Anao o kaya ay ginagawa mismong pabango na mabenta sa mga trade fairs.  Kilala sa buong mundo ang langis ng ilang-ilang bilang isang relaxant kaya’t paborito itong massage oil sa industriya ng spa at aromatherapy.

Mula nang gamitin sa Anao ang bagong disensyo ng FPRDI EOEDT noong 2004, gumanda ang kalidad ng langis, tumaas ang  produksiyon at bumaba ang konsumo ng tubig at kuryente sa pagpo-proseso. Naging mas madali rin at ligtas ang paglalagay ng mga bulaklak sa makina. Sa ngayon, nagne-neto ang munisipyo ng P100,000 kada taon mula sa operasyon.

Ayon kay Engr. Belen B. Bisana ng FPRDI, mga P400,000 ang halagang kakailanganin para magtayo ng isang essential oil business. Sakop na nito ang gusali, ang EOEDT at ang pang araw-araw na kapital. Umaabot sa isang litrong langis ang produksyon sa isang  araw, at nagkakahalaga ito ng P35,000 hanggang P45,000, depende sa kalidad.

Ang uri ng langis mula sa EOEDT ay pumasa sa pagsusuri ng Plant Resources of Southeast Asia (PROSEA) at sa Centre for the Promotion of Imports from Developing Countries ng Netherlands. Ang Ilang-Ilang Livelihood Program naman ay tatlong beses nang tumanggap ng prestihiyosong pagkilala dahil sa naging ambag nito sa kalikasan at sa kabuhayan ng mga taga-Anao.

Ayon kay Lontok, “Bunsod ng paglago ng spa and aromatherapy industry sa buong mundo, maganda ang hinaharap ng essential oil business. Sana’y maging inspirasyon ang tagumpay ng  Anao sa lahat ng bayan sa Pilipinas na maaaring pagtamnan ng mga halamang may taglay na essential oil gaya ng sampaguita, citronella, patchouli at salay.”

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa EOEDT, tumawag po sa (049) 536-2586/2377 o mag-email sa fprdi@dost.gov.ph. Ang FPRDI ay isang ahensiya ng Department of Science and Technology. Ito ay matatagpuan sa Narra Road, Forestry Campus, UP Los Baños, College, Laguna.

Tags: fprdi/waterlily

Latest Articles

  • banner
  • banner
  • banner
  • banner
  • banner
  • banner
  • banner
  • banner