Agrikultura
BAR,sasaliksikin ang Rimas, prutas na maihain, kahalili ng kanin;Produksyon ng punlang saging na ligtas sa Panama disease at Mga “gender-friendly” na mga kagamitan at makinarya sa bukid
Posted on January 12th By RMagno, DA-AFIS
Artocarpus altilis ang scientific name ng Rimas , at breadfruit naman ang karaniwang tawag dito dahil na rin sa lasa na kapag niluto ay maihambing sa patatas na ginawang freshly baked bread. Kapamilya ang rimas ng mulberry (Moraceae) tulad rin ng langka at marang.
Batay sa mga pag-aaral na naisagawa, ang rimas ay mataas sa carbohydrate at enerhiyang sangkap, na siyang dahilan upang ito ay maaring ituring na pangunahing pagkain na maihahalili sa bigas, trigo , harina, at pagkain sa mga hayop. Gayunpaman, kakaunti ang data ukol sa rimas dito sa Pilipinas. Maging ang paraan ng pagtatanim at pagpaparami , at kahit ang karaniwang kaalaman sa posibleng mga kakambal na produkto mula sa rimas ay walang mapagkunan na impormasyon.
Kaya, ang Bureau of Agricultural Research (BAR) nang nakaraang Setyembre 26, 2011 ay bumuo ng “Consultation Meeting/Workshop for the Crafting of Rimas (Breadfruit) Development Program /Roadmap. Layunin ng workshop na ginanap sa 4/F BAR Conference Hall, Visayas Ave., Diliman, Q.C , na mailabas ng rimas ang lubos na kakayahan nito upang makatulong sa pagkamit ng Rice Sufficiency sa 2013. “Maaaring ang rimas ang isa sa karagdagang pananim na aming sasaliksikin. Kung aasa lamang tayo sa palay upang maging batayan ng kaseguruhan sa bigas, maaring hindi natin makamit ang layuning ito”, ayon sa opening remarks ni Dr. Solsoloy ng BAR .
Dumalo ang mga kinatawan ng iba’t-ibang ahensya sa ilalim ng Department of Agriculture at mga mula sa regional field units nito sa nasabing pulong kung saan bawat isa ay nagbahagi ng kanilang mga karanasan at kaalaman ukol sa pagpaparami ng rimas. Ang rehiyon 6 ay naranasan nang magsubok ng iba’t-ibang paraan ngunit hanggang ngayon ay wala pa silang maibahaging tiyak na teknolohiya. Sa rehiyon 8 ginagamit nila ito sa kanilang alagang baboy.
Minungkahi ng mga dumalo na magkaroon ng benchmarking project (umpisang proyekto) upang maitaguyod ang rimas sa mga lalawigan. Ang mga bahagi sa benchmarking ay ang pagbuo ng database ukol sa mga barayti na nandito sa ating bansa, uri ng lupa, kondisyon ng klima na angkop sa barayti, mga pangangailangan ng pananim, paraan ng pagpaparami, at pag-unlad ng produkto.
Sa gagawing pananaliksik (R&D) sa rimas , di maglaon ito ay maging bahagi ng mga uri ng pananim sa paglaban sa kakulangan sa pagkain sa ating bansa. Magiging kahanay na ito ng mga pangunahing pagkain sa ilalim ng High Value Commercial Development Program (HVCDP) tulad ng saba, mga lamang –ugat (root crops) , adlai, at soybeans.
——————————————————————————————————————
Ang saging ang isa pinakamalaking produkto na ating inieksport at nagbibigay ng foreign exchange earnings sa ating bansa bawat taon na umaabot sa $400-Milyon o mahigit pa.
Sa ngayon mayroon nang 600 ektaryang plantasyon ng Cavendish banana sa Southern Mindanao ang napinsala ng Panama disease o fusarium wilt. Ang ating pamahalaan sa pamamagitan ng Philippine Council for Agriculture Aquatic Natural Resources Research and Development (PCAARD) ay malaki ang pag-asa na pagkalipas ng apat na taon mula ngayong 2012 ay magkakaroon na ng Panama disease free banana seedlings. Isinusulong din sa Kongreso ang magkaroon ng Banana Research Center.
Ayon kay PCAARD Executive Director Patricio S. Faylon , nagbebenta sila ng mga ligtas sa sakit, tissue cultured na punla ng saging. Magpaparami ang ahensya ng mga barayti na ligtas at matibay katuwang ang mga pribadong seed producers. Layunin ng programa na tulungan ang mga maliliit na farmer-producer na may lupang hindi hihigit sa 10 ektarya. Balak ng pamahalaan na libre itong ibibigay sa kanila upang matiyak na sila ay magpaparami rin ng Panama disease free seedlings.
May dalawang matitibay na Cavendish variety (GCTCV-119 at GCTV-218 ) mula saTaiwan ang ginawan ng field trials at naobserbahan na mas matibay ang mga ito kaysa mga naunang sinubukang komersyal barayti na Grand Naine at Williams.
Ang Lapanday Foods Corp., isang banana exporter ay handang magtanim ng 1,000 ligtas sa sakit na mga punla sa pamamagitan ng tissue culture , na kanilang ipamamahagi sa mga miembro ng Philippine Banana Growers and Exporters Association . Ang mga ”mother plants” para sa tissue culture ay manggagaling sa National Germplasm Collection sa Bureau of Plant Industry –Davao National Crops Research and Development Center.
Kailangan ang malawakang laban sa Panama disease dahil apektado na ang mga nasa Asia-Pacific na mga bansang ang produksyon ay saging, tulad ng Taiwan, Northern Territory ng Australia , Indonesia, Papua, Malaysia, at China. Ang Pilipinas ang pinakamalalang magdusa dahil tayo ang pinakamalaking prodyuser sa Asia at pangatlong pinakamalaking eksporter sa buong mundo.
Sinasanay ng PCAARD ang mga magsasaka sa pag-alam nang maaga sa mga sintomas ng Panama disease , tulad ng paninilaw ng mga dahon at pag-iiba ng kulay ng vascular tissues . Ang paggamit ng endophytic fungi (EF) ay susing kagamitan para sa pinagsamang paraan sa pamamahala sa sakit. Ang EF ay matatagpuan sa mga ugat ng malulusog na tanim na saging at ito ay makababawas sa paglala ng sakit at napipigilan nito ang pagbansot ng mga tanim.
——————————————————————————————————————
Ang PhilRice ay may mga proyekto na ang layunin ay paunlarin ang industriya ng palay ,ang ating pangunahing butil. Ang teknololohiyang “farm mechanization”ay naglalayong lubos na pataasin ang produksyon ng palay. Dito pasok ang mga makinaryang “gender friendly” na ayon kay Dr. Irene , Tanzo, project leader ng PhilRice Gender and Development Initiatives, pakikinabangan ito hindi lamang ng mga babae kungdi pati na ang mga lalaking magsasaka.
Mga “gender friendly “na mga makinarya na madali at magaang gamitin ng ating mga magsasaka,upang lubos na makamit ang mataas na produksyon ang ginagawa ng Rice Engineering and Mechanization Division (REMD) ng PhilRice. Ang paggawa ng isang makinarya o kagamitan ay kanilang ibinabatay sa kung gaano nito mabawasan ang mga may kabigatang gawain, dahil sa pisikal na aspeto, mas malakas ang mga lalaki kaysa babae.
Sa ngayon, ang mga babaeng magsasaka ay lantad at kinikilala na ng ating lipunan, at napatutunayan ito ng mga babaeng nananalo sa iba’-t –ibang taunang patimpalak (search) na isinasagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka at ibang mga ahensya ng ating pamahalaan.
Ang isa sa nagdala sa kanila sa tagumpay bilang mga “superwoman “sa larangan ng pagsasaka ay ang mga “gender friendly” na mga kagamitan na gawa ng PhilRice, at mayroong apat na “gender friendly “ na pagpipilian ang:
Plastic drumseeder – magaang dalhin at gamit ito sa direktang pagtanim ng binhi sa linyadong tudling . Nababawasan ang dami ng binhi 20, 40 , at 60 kg sa bawat ektarya. Nabubunot ang mga damo sa pagitan . Nababawasan ang patrabaho (labor) , na ginagawa nang salitan ng babaeng magsasaka at ng lalaki . Magagamit din sa ibang pananim, sa kataasang lupa (upland) at basang lupa.
Super curyat – ito ang brand name ng Philrice microtiller, dahil ang tunog nito kapag pinaaandar ay kawangis ng malaking kuryat (Ilocanong tawag sa cricket) . Naililipat , nabubuhat, magaan. Madaling i-dismantle (pagkalasin) para sa magaang pagkarga at mga matatarik na daanan tulad sa Cordillera kung saan karamihan sa magpapalay ay mga babae. Maayos ang pagtatrabaho sa bukid na hanggang tuhod ang matitigas na pinaghukayan (hard pans) at mahahabang pinaggapasan. Mabilis nang 24 na beses kaysa dating paraan na ang gamit ay mga paa (foot trampling).
PhilRice micromill at PhilRice multicrop flourmill. Ginawa ito para gamit pambahay at pang- eksperimento. Parehong madaling gamitin at mentinahin. Maaaring gamitin sa ibang pananim at butil . Ang flourmill ay nakapagprodyus ng pino at tuyong harina para sa pagluluto ng mga kakanin at mga hinurnong produkto (baked products) na maiimbak hanggang anim na buwan.
At.. mayroong bagong gagawing ”gender friendly” kagamitan na ating aabangan . Ito ay ang pedal-type brown rice milling machine .Magandang balita para sa mga diabetic. Kung ayaw mong kumain ng maputing kanin, at kailangan ang brown rice para sa iyo. . bumili ng sariling gigilinging palay para sa iyong suplay na brown rice.
Sina PhilRice engineers, Arnold Juliano,kasama si Leo Molinawe at Harvey Valdez ng REMD na pawang mga “ health conscious” , ay naisipang lumikha ng milling machine na habang ginigiling mo dito ang mga palay sabay naman ang ehersisyo . Ito ay kanilang dinisenyo una para sa mga ina ng tahanan at maari din itong gamitin ng kahit sinong miembro ng pamilya na marunong magpedal.
Para sa detalyadong kaalaman sa mga nabanggit na makinarya o kagamitan, tumawag sa (044) 456-0277;- 0285;-0113 local 307, 308, o 309 o mag-email sa ecgagelonia@email. philrice.gov.ph.
Tags: da-bar
Latest Articles
- DOST-PCHRD raises Code Yellow, suspek sa isang krimen sa caloocan natimbog kamakailan at Women legislators to speak on relationships
- bagong website ng PHILHEALTH di hack proof, E-Innovation sa kalusugan inilunsad ng PhilHealth at Coming up soon: a quicker way to detect dengue
- Online Piracy Legislation Gets Vote, ‘Energy Plus’ package a must and philippine Solon files writ of kalikasan to SC










