Aghamista
Maayos na paraan ng pagdispose ng mga basura..,Bakas ng kasaysayan dapat ingatan wag pabayaan at pagbangon sa kahirapan
Posted on March 19th By michael balaguer
Maayos na paraan ng pagdispose ng mga basura
KUNSEPTONG WASTE TO ENERGY, NAPAPANAHON
“landfilling is the best solution for now but is not the ultimate solution, waste to energy concept is much acceptable, if you go to the landfill now, it will speak for itself” pahayag ni Geraldo Paz Field Operation Manager ng VGP Engineered Sanitary Landfill na matatagpuan sa San Jose Del Monte City sa Bulacan. Isang kunseptong di na halos bago sa ating pandinig. Nabasa na sa maraming mga nailimbag na publikasyon sa ibat ibang bahagi ng daigdig lalo yaong mga bansang pilit na idinidikit sa pagbabago ng panahon ang sitwasyon ng pangangailangan sa enerhiya ng kanilang lipunan. Pagbawas raw sa naiipong kredito buhat sa karbon. Tama o mali ang kanilang mga teyorya, isa lamang ang nararapat na gawin ngayon ng sangkatauhan lalo na at tunay na naka a alarma ang pangangailangan natin na bawasan ang pagdudumi natin sa ating kapaligiran. Sabi ng isang dalubhasang aghamista sa isang publikasyon na iniliwat sa representasyong biswal gaya ng telebisyon at puting tabing, may mga naaprubahan at nagtagumpay na ngang pag aaral kung saan ang mga itinuturing nating dumi, basura ay nagagawa nang sangkap para makalikha ng enerhiya na siyang iikot na lamang ng iikot na animo’y isang bagay na naire resiklo. Ang kunseptong ipinauso nitong mga nakaraang taon ng Kagawaran ng Kapaligiran at Likas Yaman na “ Pagbawas ng itinatapong Basura, Paggamit muli ng iniaakalang iba Basura na at Pagreresiklo” ay isang matagumpay na paraan para talagang makatulong tayong lahat para sa ating kapaligiran. Dalawa lamang ang tunay na maituturing na Renewable at episyenteng pagkukunan ng enerhiya, lalo sa panahon ngayon na parami ng parami ang bilang ng tao sa mundo, dapat na ngang gawin natin ang lahat upang talagang kung di mabawasan ay wala na tayong itapon o ibasura. Pero sabi nga ng maraming tao “iposible naman talagang wala tayong itatapon dahil di naman lahat ay maaring I-resiklo” tama pero kung magtatapon ng basura, may paraan pa rin para maging enerhiya ito na maari naman na magamit lalo ngayong kailangan na talaga. Sa pagpasa ng batas tungkol sa solid waste management, sabi ng ilang pulitiko, di raw lahat nakasusunod sa nasabing batas, pagsamahin pa umano ang clean air at clean water acts, lahat raw ay walang pangil at marami ang di sumusunod habang wika naman ng ibang pulitiko ay marami na ang nakasunod rito dahilan upang matagumpay na maimplimenta ito sa maraming pook sa bansa. Sophisticated incineration technology o ang pag harness ng methane gas ang ilan sa tinitingnan na waste to energy concept na tagumpay na naman sa ibayong dagat lalo sa Europa. Sa kabuuan ng kontinente ng Asya, iilang bansa pa lamang ang nagkakaroon ng mga programang kahalintulad nito at masasabing pay malasakit sa inang kalikasan. Bagaman tinutuligsa ng ilan na walang tiwala sa teknolohiya, ayon sa pag aaral, ang pagtatayo ng isang Engineered Sanitary landfill sa halip na pagtatambak lamang sa isang open dumping site ay mas maiging paraan ng pagdi dispose ng basura dahilan sa maayos na sistema nito at di basta-basta lamang. Hindi rin masasabing bagong teknolohiya ang lanfilling dahil early 60’s pa ay may mga nagla landfill na sa ibang bahagi ng mundo. Sa bansa ngayon ilang lugar ang may mga sanitary landfill ngunit sa mga lugar na malapit sa Kamaynilaan, tanging ang VGP Engineered Sanitary Landfill lamang sa lungsod ng San Jose Del Monte sa Bulacan na pag aari ng Puyat Group of Companies ang masasabing state-of-the-art o makabago at may sistema ang teknolohiyang ginagamit ng mga ito sa lanfilling. Sa kabila ng teknolohiya, pagsasaayos, agham at pakikisama ng mga nagma may ari ng nasabing landfill sa mga nakapaligid sa nasabing lugar aminado silang di pa rin nawawala ang mga tutol at tumutuligsa. Gaya ng mga sinaunang teknolohiya nuong nag uumpisa pa lamang, kasasanayan rin ito sa kalaunan bagay na tumutugma sa matandang kasabihan na “in science, man often fear what he does not understand” ———————————————————————————————————————- Bakas ng kasaysayan dapat ingatan wag pabayaan WASTED HERITAGE NG BANSA DUMARAMI Sinasabing makikita ang tunay na yaman ng isang bansa sa paraan ng mga mamamayan nito na pangalagaan ang mga bakas ng kahapon o ng kanilang kasaysayan. Kapansin pansin na dito sa bansa ngayon ay tila di naman iyon nangyayari, manapa sa halip na isa ayos ay tuluyan nang binubura hanggang umabot sa punto na wala na talagang bakas. Ang kinatatayuan lamang ng bahay ni Gregoria De Jesus, maybahay ng Gat Andres Bonifacio sa P. Zamora St. sa Caloocan City ay isang nagdudumilat na katunayan ng walang pakundangang pagwawalam bahala ng ating kinaukulan sa kultura at kasaysayan. Sa pagdaan ng panahon at pagbabago ng mukha ng maraming kanayunan, pagbabagong bihis buhat sa pagiging nayon hanggang maging lungsod, masasabing ito na ang agam-agam ng mga nakatatanda sa barrio sa tuwing may magtatangkang pumasok na imbestor upang maglagak ng puhunan sa kanilang bayan, dahilan upang wariin ng ilan na ayaw ng mga nakatatanda na umasenso ang kanilang bayan. Sabi nga ng matandang kasabihan “ang hindi lumingon sa pinanggalingan ay di makararating sa paroroonan” kayat kung patuloy nating buburahin ang lahat ng alaala ng ating kasaysayan at papalitan ng bagong istruktura, at ni alinmang tanda na itong minsang naitayo sa nasabing lugar wala na rin tayong maipagmamalaking nakaraan. Pumasyal tayo sa ilang malalaking lungsod sa Europa at hilagang Amerika kung saan ang mga nagtatayugang gusali at mga istrukturang tila sa tingin natin ngayon ay makabago, sa may pintuan o tarangkahan nito ay may marker na nagsasabi na ang dati ay nakatayong gusali duon ay tahanan ng isang dakilang tao o may isang mahalagang kaganapan sa kanilang kasaysayan na duon naganap. Bantog sa buonag daigdig ang ating hagdan-hagdang palayan sa Mountain Province, kilala ito bilang may taguri na 8th wonder of the world, pero bakit ang Batad rice terraces, nasasakupan ng Kalinga, Apayao at Ifugao ay napapabayaan na at di na gaanong nagagamit pang sakahan. Sa ginanap na Farmers Field Day kamakailan sa International Rice Research Institute sa Los Banos Laguna sinasabing bahagi sa dahilan kung bakit napapabayaan ang ating mga makasaysayang hagdang palayan ay ang kawalan ng interes ng mga kabataan sa pagbubukid at iba pang dahilang ekonomikal. Samantala, sa mga lugar na hitik sa kasaysayan gaya ng Ilocos, Batangas at sa Bulacan kahit hinaharap nila ang modernisasyon at mga bagong kaisipan, marami pa rin naman ang nag iisip na panatilihin ang mga alaala ng kahapon kapansin pansin lamang sa ilang lugar gaya ng Kapitolyo mismo ng lalawigan ng Bulacan, kung saan nilagyan ng fountain ang pinaka sentro ng gusali kapalit ng selyo o sagisag ng lalawigan na isa nang bakas ng kasaysayan, tunay na nakalulungkot ito lalo sa mga matatanda na nagmamahal sa mga alaala ng kahapon. “ngayon lang yan inalis at nilagyan ng ibang istruktura sa halip na ipintang muli o ayusin lamang” ayon sa isang kawani na lubos ang panghihinayang sa kinasapitan ng sagisag ng lalawigan. Tunay na nagbago na nga lahat, wika ng isang taal na taga Malolos, “iba na rin ang interior ng Baraoain” sa huli, hindi masama na harapin ang kasalukuyan o ang modernisasyon gaya ng ginagawa ng maraming bayan ngayon pero sa ating paglalakbas sa mas maunlad na Pilipinas, isa alang alang raw natin ang ang ating kasaysayan, kultura, tradisyon na siyang nagbibigay sa atin ng pagkakakilanlan bilang Pilipino. ———————————————————————————————————————
pagbangon sa kahirapan SCRAP KATORSE Sa maagang edad ay nagmahal at bumuo ng sariling pamilya itong si Tita Ophie. Dahil tunay na nagmamahalan sila ng kanyang asawa, bagaman nasa kabataan pang maituturing ay sinagupa nila ang lahat ng unos sa buhay hanggang mapunta sa puntong halos ayawan siya ng mga kaanak ng kanyang kabiyak sapagkat di siya nakatapos ng pag aaral at buhat sa pamilyang kapos sa buhay. “buhat sa pamilyang mahirap lang kami” ayon kay Tita. Masaya, magiliw at tila tinatawanan lamang nitong si tita ang kanyang mga suliranin sa buhay, wala nang bakas ng kanyang mga kahirapang dinaanan nuon nang kasalukuyan pa silang nagsisimula ng kanyang kabiyak na bumuo ng sariling sambahayan. Pamamakyaw ng ani ng kanyang mga kababaryo sa Bunga Mayor, Bustos Bulacan ang unang pinagkakakitaan ng pamila ni Tita at dahil sa iba niyang trabaho gaya na lamang ng pagtitinda sa palengke ay nakilala niya ang kanyang masugid na manliligaw na kalaunan ay naging kanyang kabiyak nuong siya ay katorse anyos pa lamang. “ay naku nuon hindi ganito ang bahay naming” pabida ng ating bida habang kami ay kanyang ipinapasyal sa kanyang kabahayan na bunga ng matagal na pagtatrabaho ng kanyang asawa sa ibayong dagat, dahil nga kailangan nilang patunayan ang sarili sa mga kaanak nito bunsod na rin ng pagka ayaw kay Tita. Nanatiling matatag, matibay ang pagsasama at naging isang tunay na halimbawa ng long distance na relasyon. Ngayon halos lahat ng pamilyang may kaanak sa abroad ay broken. “kung mahal nyo talaga ang isat isa, ang anim o higit pang taon ay di nyo iindahin” payo niya sa mga may overseas worker na mahal sa buhay, particular ay asawa o katipan. Nagsimula sa pagtitinda ng gula, pamamakyaw ng ani at ngayon nga ay isa nang retailer ng softdrink sa kanilang subdivision sa San Rafael, itong si Tita ay di pa rin napapagod sa paghahanapbuhay. Kaagapay ang kanyang asawa na halos iilang taon pa lamang na narito sa bansa bunsod ng maagang pagreretiro bilang kawani sa isang kumpanya sa bansang Saudi Arabia, magkatuwang ang dalwa sa ibang ibang hanapbuhay na kanilang binuo di lamang bilang pagpapatunay sa kanilang mga kaanak na kaya nilang mabuhay ng mag isa at maging matatag. Bagaman di itinuturing na kahinaan ang kanyang di pagkakatapos sa pag aaral, bilang isang responsableng mamamayan, nagsilbing miyembro at tuluyang naging opisyal ng home owners association itong si Tita kung saan umabot sa puntong nang magkaroon ng pagsasama sama ang mga kaugnay na organisasyon ay naihala siya bilang pinuno nito sa kanilang buong bayan ng San Rafael. “tiwala, pananampalataya at pakikisama ang puhunan ko sa buhay” ayon sa kanya, sa totoo lang, nuong una ay ayaw niyang matuloy ang panayam ng pahayagang ito sa kanya dahil para sa kanya, karaniwan lamang siyang tao na kagaya ng marami sa atin. Isang malaking aral sa buhay ang maaring matutunan ng sinuman sa kanyang maikling paghahayag ng kanyang buhay, ito ay ang katotohanang kahit salat tayo sa maraming bagay, maging karangyaan, kagandahan o pag aaral, may pag asa pang mabago ang ating kapalaran sa pamamagitan ng sipag, tiyaga, pananampalataya at pakikisama sa kapwa. Pananatili ng ating mga paa na nakatapak sa lupa kahit na maedyo may mga malaking halaga na tayong tinatanggap at ang ugaling aba at mapagpakumbaba na siyang nilalaman naman ng turo ng kahit anong relihiyon at propeta sa mundong ito. Ngayon makikita si Tita Ophie o Gng. Ophelia Dino sa kanyang junk shop sa kahabaan ng DRT Highway sa tabi mismo ng rotonda at bungad ng bayan ng San Rafael kung buhat tayo sa San Ildefonso o Nueva Ecija. Negosyong payak ngunit nakatutulong ng malaki sa mga kababayan nating mambobote at mga nagkakalakal ng scrap.
Tags: scrap katorse
Latest Articles
- Law to provide better health research and quality service for Filipinos; Clean-up of post election garbage appealed and Solon warns the public from buying imported frozen meat
- BulSU Technology-based University para sa Bulakenyo; DOST-SEI’s Geo-Marine Science Camp wows 59 students, teachers at Globe Telecom Stays Committed To Corporate Sustainability
- Kailan ang Tugon kay PD Tonog?; Liberal Party President May Kinikilingan…

