Kuwento

Tapayan

Posted on August 5th By Michael Balaguer


Dalawa lamang na magkapatid itong sina Pedro at Rodrigo. Dahil sa kahiapan ng buhay at salat sa salapi, laging isinasama ni Pedro ang kanyang kapatid sa pagtitinda ng lana. Sinususog nila ang baryo at bayan, sunung ang mga bumbong na may laman nito. May kapansanan sa pag iisip itong si Rodrigo. Sinto, kung bansagan ng ilan sa atin ngunit malaking tulong kay Pedro ang kapatid.

Sa kanilang paglalako, halos hindi na sila nakakauwi sa kanilang sariling tahanan, magkaminsan o madalas ay sa bangketa na lamang sina inaabot ng takip silim. Sa isang malayong bayan sa Albay ay napatigil itong magkapatid. Tuwing alas sais ng gabi ay nagdadasal itong si Pedro ng rosario. Napaka relihiyoso na kahit saan sila abutan ng ganoong oras ay paniguradong titigil sila at maninikluhod.

Malapit na ang alas sais, sa bayang iyong bumili ng lana ang kapitan del baryo. “Manoy, inabut kami ng banggi didi sa indo, sain baga kami maki turog man sana ta kidamlad ma agi na sana kami?” (kuya, inabot na kami ng gabi dito sa inyo, saan kaya kami puwedeng makitulog at aalis din kami bukas) tanong ni Pedro kay Hervacio (kapitan del baryo) ” a, igwang harong duman sa atubangan kan kapilya, nag ali na mga tawu duman nagpa amerika, inihatag sa tuya ang susi, caretaker baga? Duman na sana kamu ngunyan (a may bahay dyan sa may likuran ng chapel nilayasan na ng mga nakatira at nagtungo ng amerika, ako tuloy ang lumabas na caretaker, sige dun na muna kayo manuluyan) sagot ni kapitan, sabay binigyan sila ng gasera at banig pati unan.

Isang bahay na bato ang nasabing bahay.sa unang tingin, mukhang iisipin mong may taong mga nakatira dahil malinis ito. Hindi inaagiw at tila naa ayos ng husto. Hindi alam ng magkapatid na kinatatakutan ang nasabing bahay dahil sa masamang reputasyon nito. Hindi rin naman mabuting tao itong si Hervacio dahil hindi niya sinabi sa dalawa ang kasaysayan ng tutuluyan nila.

Mag a alas sais na. Abot tanaw ang malaking simbahan ng san gabriel sa harap. Tradisyon ng mga katoliko na pagsapit ng alas sais ay mag a angelus, patutugtugin ang kampana ng higit sa limang bagsak . teng! Unang tunog, lumuhod na si pedro upang manalangin ng taimtim, gamit ang rosaryo. Habang nagdadasal ang binata, ang kanyang kapatid na sinto ay naglalaro at tila palinga linga, hanggang isang hanging malamig ang maramdaman ng dalawa.

Tuloy pa rin ang pananalangin ni Pedro, habang si Rodrigo, dahil nga sa sintu sinto ay aligaga, sa kanyang kina uupuan. Naging malamig ang hangin hanggang lumagapak sa harapan nila ang dalawang binting kalansay. Teng teng! Ikalawang bagting, wika nga, nalaglag muli ang dalawang bahagi ng hita ngunit hindi natinag itong Pedro sa pagrorosaryo. Bagaman may takot ay mas kinatigan niya ang kanyang pananalig sa Diyos.

Sa pagkakataong iyon ay tila imbes na matakot ay kinuha ng sintong si Rodrigo at yantok na pinagsasagkaan ng kanilang panindang lana at hinataw sa mga nagbubuong kalansay. Kasabay ng pagbagting ng kampana at pagbubuo ng mga kalansay na naturan ay isang halakhak na talagang mapanindig balahibo ang naririnig ng dalawa. Hindi talaga natakot ang sintong si rodrigo, habang ang kanyang kuya ay sa halip na kubabawan ng hilakbot ay lalong linakasan ang pagdarasal, ” aba ginoong maria, napupuno ka ng grasya….”

Nag umabot na sa bandang uremus, kung tawagin ng tagapagsalaysay na si aling maring ang pananalangin ni Rodrigo, tila isa ng anyong taong hirap na hirap na lumuhod ang kalulwang kundinado. Isang chino, si don Bernardo Yueng chui lao. Isang kilalang mayaman sa nasabing lugar na misteryosong namatay at hindi nalamang kung nasaan ang bangkay.

Tinanong ni Pedro kung bakit ito nagpapakita at nananakot sa mga nagtutungo sa kanyang bahay, at kung ano ang kanilang maitutulong sa katahimikan nito. Sinabing nagpasalamat ang kalulwa dahil sila pa lamang umano ang mga matatapang na nakipag usap sa kanya upang manahimik na siya. Nabatid na dating napaka gahaman ng don bernardo noong nabubuhay pa ito kayat nilayasan siya ng kanyang mga kaanak.

Sinasabing namatay sa lungkot ang matanda katabi ang kanyang walong tapayang pera. Na nasa silong ng nasabing bahay. Ipinagkaloob sa magkapatid ang nasabing kayamanan na kahit ang mga taga roon sa nasabing baryo ay walang nakaa alam, kasama nito ang mga mahalagang papeles gaya ng mag titulong lupa at ng nasabing istruktura. Bunsod nito pati si Hervacio ay nabigyan ng isang tapayang barya na purong pilak at ginto.

Ayon kay aling maring simula noon, wala ng nagpapakita sa nasabing bahay na kinakitaan ng mga tapayan. Ibinenta ni Pedro ang gusali sa isang mayamang taga Maynila at ngayon ay isa na itong Motel, walang naka a alam na sa ibabang bahagi ng nasabing gusali ay dating hinihimlayan ng isang malungkot na intsik na nakahiga sa mga Tapayan ng ginto at pilak.

Kung sa susunod na maiisipan niyong mag motel, pakisabi sa attendant na wag kayong ilagay sa kuwartong nasa gawing basement, baka yun yung bahay na tinutukoy ni Aling Maring, sana kung kasing tapang niyo sina Rodrigo at Pedro, mas maigi kung magdadasal din kayo ng rosaryo.

Tags: kababalaghan, maikling kuwento, tapayan

Latest Articles

  • banner
  • banner
  • banner
  • banner
  • banner
  • banner
  • banner
  • banner