Kapaligiran

SUSTAINABLE BIODIVERSITY-KAKAIBANG FARM SA KAGUBATAN

Posted on July 16th By abdul malik michael n balaguer


Hindi masasabing upland farming ngunit kahalintulad rin nito, hindi rin maaring tawaging reforestation ngunit maari din masabing ganoon na nga. Ito ang itinuturing na sustainable biodiversity, isang prosesong kung saan maari nating mapangalagaan ang ating kagubatan, hindi tayo magpuputol ng ating mga punong kahoy sa bundok, hindi mag uuling ngunit sa kabila nito ay magkakaroon ng sapat na mapagkakakitaan ang mga tagapag alaga ng isang particular na bahagi ng gubat, ang mga nagtatanim ng puno ay may makakain na bungangkahoy na maari ding may mga medicinal properties o nakagagamot, mabibigyan din ng pagkakataon ang magtatanim upang kumita at ilabas ang mga bunga bilang export quality material.

                Sa isang huntahan sa lalawigan ng Laguna, nakapanayam ng pahayagang ito si Dr. Reano, isang forester at entrepreneur na bahagi ng Boadchem Corporation na kung saan ginawa ng misyon ang sistemang ito at kanyang isinasagawa sa kanyang lupain sa San Pablo Laguna. Sa kanyang salaysay, napakaraming mga halaman sa kagubatan, particular ang mga hard wood o mga punong pang construction na hindi alam ng marami ay may mga medicinal properties at maaring makain ang bunga.

                “kilala sa atin ang mga halamang nabanggit ko kaya lang hindi nila nakikita ng potensyal ng mga ito bilang mapagkakakitaan” ayon kay Reano. Ang kanyang tinutukoy ay ang mga halamang Bignay, Kalumpit at Name. Mga halamang ligaw o mga halamang pang kagubatan at yaong mga tinatawag niyang halamang tamad, ang itinuturo niyang itanim upang hindi lang magsilbing pagkain o gamut kundi pagkakitaan din sa maraming paraan at pagkunan ng samut saring produktong unti unti nang nagiging bantog di lamang sa atin sa bansa kundi lalo at higit sa ibayong dagat.

                Bukod sa kahoy na maaring makuha sa pamamagitan ng pagpuputol ng puno pagsapit ng kung ilang taon, ang bunga at ilang bahagi ng isang puno halimbawa ang bignay ay maaring gawing alak, suka, jam, at iba pang nasa proseso ng pag aaral hanggang sa kasalukuyan na ang layunin ay upang mabigyan ng karagdagang hanapbuhay ang magtatanim nang sa gayon ay hindi na mauwi sa deforestation o slash and burn farming o kaingin ang mga magtatanim.

                Tanong ng pahayagang ito kay Reano, kung bakit tinawag niyang mga halamang tamad ang mga dapat na itanim sa kagubatan. Sagot niya ay ang mga halamang didiligan pa ay katatamaran ng mga magtatanim at hindi maaring patubuin ng hahayaan lamang. Kailangan ng tender love and care gaya ng mangga at iba pang domesticated fruit at hindi rin ito maaring patubuin sa lupang hindi akma para sa mga ganitong puno. Minsa rin ay ang mga halamang masipag, o yung mga laging inaalagaan ay mag integrated farming o samut saring mga tanim at sama sama kapiling ang ibat ibang halaman dahil ang ibang uri ng domesticated plants ay seloso o ayaw ng may katabi o kapisan.

                 Ang ating bansa ay hitik sa mga endemic fruits at plants na maaring kainin, gawing gamut o gamitin sa konstruksyon. Karaniwan na sa timog silangang Asia ang ilan sa mga ito dahil halos magkakarugtong lamang ang ating mga kapuluan noon, ngunit ang nakapagtataka ay sa kanilang mga bansa, ang nasabing mga halaman ay bukod sa nakakain na ay napagkakakitaan pa at ang mga magtatanim ay kumikita ng limpak limpak na salapi.

                Sabi ni Dr. Reano, ang ating mga endemic fruit sa bansa na buhat sa kanyang farm sa gubat ay kumikita ng malaki dahilan sa inilalabas ito at nabibili sa mga bansang Malaysia at Indonesia na kung saan ang nasabing mga prutas ay kinakain at ginagawang sangkap sa medisina. Ang paraang ito ay nakatutulong din sa mgha magtatanim dahil bukod sa inaasahan nilang timber o hardwood na ihaharvest pagdating ng takdang panahon, kasalukuyan nilang pinakikinabangan ang mga biyaya ng bunga ng nasabing tinanim at kanila pang pinagkakakitaan.

                Dagdag pa ni Reano, dapat aniya ang mga katulad nilang mga may kumpanya ay maging ugali na sa kanilang corporate social responsibility na gumawa ng mga proyektong may malaking maitutulong sa komunidad at sa bansa o sa ikabubuti ng lipunan. Ang ating bansa ay maraming mga halamang taal o endemic at ang karamihan sa mga ito ay ni hindi kilala ng marami sa atin bukod sa nababasa lamang sa mga aklat o nakikita ang pangalan sa mga kalye bilang pangalan ng mga ito.

                Sa pagtungo ng pamunuan ng PSciJOURN Mega Manila sa Broadchem, ang karunungang napulot ng grupo kay Dr. Reano patungkol sa tunay na sitwasyon ng ating biodiversity ay mahalaga upang maunawaan ang tunay na kalagayan nito kaysa sa mga ipinapalagay ng ibayong dagat at kanilang inihahalintulad ito sa pandaigdigang setting.

                Ang forest farm ni Dr. Reano ay matatagpuan sa Bgy. Atisan San Pablo City, lalawigan ng Laguna kung saan sinimulan niya ito kasama ang kanyang mga itinuturing na contact growers noon pang 1989 hanggang taong 2000 sa kanyang sistemang “how nature works for nature”. Noong 1996 nagkaroon sila ng kaparehong programa sa Botolan Zambales kasama kabalikat ang mga katutubong Aeta. Taong 2003, kaakibat ng programang pabahay ng gawad Kalinga ay nakapagpatayo ng mga tahanan para sa mga growers nila ang Broadchem sa nasabing pook.

                Ilan sa mga nakatanim ngayon sa nasabing lugar ay ang Bignay, Kalumpit, wild oranges, ibule, balubo, Atis Gubat, Catmon, macopang gubat, kamagong (mabolo)ba-go, galo, kapeng barako atbp.

Ang mga noon ay mang uuling ay mga magtatanim na ngayon at ang mga programang pang edukasyon, livelihood for the environment ang malaking nakatulong sa pagsasakatuparan ng nasabing proyekto. Ayon kay Reano, walang sikreto sa kanyang mga programa, mas maigi pa umano na gayahin ito at hindi niya ito ipinagdaramot dahil kapag ginaya ito ng maraming kumpanya bilang kabahagi ng kanilang corporate social responsibility ay malaki ang maitutulong nito sa ating lipunan.

Tags: Agham, Science and Technology-based Farm (STBF)

Latest Articles

  • banner
  • banner
  • banner
  • banner
  • banner
  • banner
  • banner
  • banner